Photo©web

NAGA CITY – Patay ang 10 taong gulang na batang lalaki, habang ginagamot naman ang isa pa matapos makapitan ng dikya sa Barangay Penitan, Siruma, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Mark at Prince, parehong residente ng South Centro, Sipocot, sa nasabing lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PEMS. Christian Gaban, DCOP ng Siruma Municipal Police Station, sinabi nito na nangyari ang insidente nitong Biyernes, Abril 25, 2025 kung saan, habang naliligo ang mga biktima, namalayan na lamang na kapwa na humuhingi ng tulong ang dalawa.

Agad naman tinulongan ng mga tao ang mga biktima at sinugod sa pinakamalapit na hospital ngunit hindi na umano kinaya ng 10 taong gulang na si Mark ang kamandag ng boxed jelly fish at idineklarang Dead on arrival. Samantalang si Prince ay patuloy pang ginagamot sa Bicol Medical Center.

Advertisement

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at titingnan kung may pananagutan ang may-ari ng resort, gayundin ang pag-alam kung paano nakapasok ang dikya sa Beach Resort sa kabila ng safety net.

Dagdag pa rito, pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na magtungo sa mga beach resort para makipag-ugnayan sa mga may-ari para payuhan kung saang bahagi ng dagat ang ligtas na lumangoy.

Advertisement