NAGA CITY- Patay ang dalawang indibidwal kasama na ang isang menor de edad habang sugatan naman ang drayber at isa pang menor de edad matapos mahulog sa kanal ang isang elf truck sa Sitio Dao, Brgy. Talisay, San Andres, Quezon.
Kinilala ang mga binawian ng buhay na sina Rosemarie Abonales, 43-anyos, at isang 2-anyos na bata habang ang mga sugatan naman ay sina Reynaldo Abonales, 49-anyos, drayber ng truck at isang 17-anyos na bata, kapwa residente ng Brgy. Pugawan, San Francisco, sa nasabing lalawigan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial office, napag-alaman na habang minamaneho ni Reynaldo ang naturang elf truck sakay ang iba’t-ibang klase ng merchandise papunta sa kanilang lugar nang aksidente itong makatulog.
Dahil dito, nahulog sa kanal ang naturang behikulo na naging dahilan para magtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad namang dinala sa ospital.
Ngunit, idineklara ring dead on arrival si Rosemarie gayundin ang 2-anyos na bata habang agad namang ginamot si Reynaldo at ang 17-anyos na menor de edad.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa naturang insidente.