Umabot sa 28 Chinese warships at coast guard vessels ang namataan sa apat na mahahalagang bahagi ng West Philippine Sea mula Abril 5 hanggang 12, ayon sa Philippine Navy.

Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na naobserbahan ang presensya ng mga sasakyang-pandagat ng China sa Bajo de Masinloc, Ayungin Shoal, Escoda Shoal, at Pag-asa Island.

Ayon kay Trinidad, 10 China Coast Guard vessels ang namataan sa Bajo de Masinloc. Sa Ayungin Shoal, tatlong warship ng People’s Liberation Army Navy at anim na barko ng China Coast Guard ang na-monitor.

Sa Escoda Shoal naman, isang PLAN vessel at tatlong China Coast Guard ships ang nakita, habang isang Chinese warship at apat na coast guard vessels ang naitala malapit sa Pag-asa Island.

Advertisement

Ipinunto ng Philippine Navy na nananatili ang presensya ng mga barko ng China sa mga naturang lugar, na tinawag nitong “persistent and unauthorized.”

Kung ihahambing sa datos noong Marso, umabot sa 90 Chinese warships at coast guard vessels ang naitala sa parehong mga bahagi ng West Philippine Sea, kabilang ang 49 sa Bajo de Masinloc, 15 sa Pag-asa, 14 sa Ayungin Shoal, at 12 sa Escoda Shoal.

Advertisement