Aabot sa 341 distressed at stranded overseas Filipino workers (OFWs) mula Saudi Arabia, Kuwait at Bahrain ang nakatakdang i-repatriate pabalik sa Pilipinas sa pamamagitan ng chartered flight, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon sa OWWA, aalis ang chartered flight mula Riyadh, Saudi Arabia patungong Maynila ngayong Marso 14, 2026 bilang bahagi ng repatriation program ng pamahalaan para sa mga OFW na naapektuhan ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Tinutulungan naman ng mga tauhan ng OWWA, Department of Migrant Workers (DMW), at mga embahada ng Pilipinas sa Riyadh at Manama ang mga OFW mula Bahrain upang makatawid sa land borders at makarating sa Riyadh kung saan sila sasakay ng eroplano pauwi ng bansa.
Samantala, tinutulungan din ng mga government team ang ilang OFW mula Kuwait sa pagproseso ng kanilang travel clearances at pagdaan sa land border crossings upang makarating sa staging area sa Riyadh.
Nagbigay rin ang pamahalaan ng iba’t ibang tulong habang inaayos ang repatriation kabilang ang travel documentation, pansamantalang tirahan, transportasyon, at iba pang agarang pangangailangan ng mga manggagawa.
Ayon sa OWWA, layunin ng repatriation operation na matiyak ang kaligtasan ng mga OFW at maibalik sila nang ligtas sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Ang operasyon ay pinondohan sa pamamagitan ng Emergency Repatriation Fund na pinangangasiwaan ng OWWA upang masiguro ang maayos at ligtas na pagbabalik ng mga Pilipinong naapektuhan ng kasalukuyang sitwasyon sa Middle East.
Inaasahang darating sa Ninoy Aquino International Airport ang naturang chartered flight sa Marso 15, 2026.
Isinagawa ang repatriation operation sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pakikipag-ugnayan ng OWWA, DMW, Department of Foreign Affairs (DFA), mga embahada ng Pilipinas sa Riyadh, Manama at Kuwait, pati na rin ng mga komunidad ng Pilipino sa rehiyon.














