Sa paggunita ng Labor Day, iginiit ng ilang senador ang pangangailangan ng konkretong hakbang upang maprotektahan ang mga manggagawang apektado ng mataas na presyo ng bilihin at mababang sahod.
Ayon kay Senador Francis Pangilinan, halos nauubos na ang kita ng mga pamilya dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, pagkain, at pamasahe, kaya suportado niya ang panawagan para sa wage increase na aniya’y “hindi awa kundi hustisya.”
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang lumikha ng mas maraming dekalidad na trabaho at ayusin ang mga sistemang nagpapabigat sa gastusin ng mamamayan.
Samantala, sinabi ni Senador Jinggoy Estrada na hindi sapat ang papuri sa mga manggagawa, at dapat itong samahan ng konkretong suporta tulad ng subsidies at iba pang ayuda upang maprotektahan ang kanilang kabuhayan.
Sa hiwalay na pahayag, itinulak naman ni Senador Win Gatchalian ang pag-amyenda sa Magna Carta for Public School Teachers upang mapalakas ang proteksyon, benepisyo, at kondisyon sa trabaho ng mga guro.
Batay sa datos, mahigit 49 milyong Pilipino ang may trabaho, ngunit milyon pa rin ang walang trabaho o naghahanap ng dagdag na oras ng pagkakakitaan.














