Inalis sa puwesto ng Land Transportation Office (LTO) ang apat nitong law enforcement officers matapos masangkot umano sa insidente ng pangingikil sa Navotas City noong nakaraang linggo.

Ayon sa LTO, ang apat na enforcers ay mula sa National Capital Region (NCR) office at sangkot umano sa extortion incident noong Abril 23 sa C3 Road.

Agad silang inatasang magsuko ng kanilang law enforcement paraphernalia sa Operations Division sa loob ng 24 oras matapos matanggap ang kautusan ng kanilang relief o reassignment.

Iginiit ni LTO chief at Assistant Secretary Markus Lacanilao na hindi kukunsintihin ng ahensya ang anumang uri ng pang-aabuso sa kapangyarihan.

Advertisement

“Hindi kukunsintihin ng LTO ang anumang pang-aabuso sa kapangyarihan. Nananatili kaming nakatuon sa pagtiyak na ang aming mga kawani ay ginagampanan ang kanilang tungkulin nang may pinakamataas na antas ng integridad at propesyonalismo,” ani Lacanilao.

Tiniyak din ng opisyal na magsasagawa ang ahensya ng masusing at patas na imbestigasyon sa naturang alegasyon, at papatawan ng kaukulang parusa ang mapapatunayang nagkasala.

Hinimok din ng LTO ang publiko na iulat ang anumang insidente ng pang-aabuso o maling gawain ng kanilang mga tauhan upang agad na maaksyunan.

Bahagi ang hakbang na ito ng kampanya ng ahensya laban sa katiwalian at upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa kanilang hanay.

Advertisement