Kinumpirma ni DILG Sec. Jonvic Remulla na sumuko na sa pulisya ang apat na miyembro ng Tau Gamma Phi na sangkot umano sa hazing na ikinasawi ng 19-anyos na maritime student sa General Trias.

Ayon kay Remulla, kusang-loob na sumuko ang mga suspek sa Philippine National Police sa General Trias Component City Police Station nitong Linggo, Marso 8.

Kinilala ang mga sumukong suspek na sina John Lee Tuliao, 22; Archie Rosil, 21; Kenneth Ompod, 18; at John Rey Torrecampo, 19.

Iniuugnay ang mga ito sa umano’y hazing na nagresulta sa pagkamatay ng 19-anyos na maritime student na si Mark Kenneth Alcedo.

Advertisement

Ayon pa sa kalihim, sinamahan ang mga suspek ng mga kinatawan ng national council ng Tau Gamma Phi, mga tauhan ng Police Regional Office CALABARZON Intelligence Unit, at dalawang abogado nang sila ay sumuko sa mga awtoridad.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa insidente.

Advertisement