Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na nagsampa na siya ng reklamo sa Ombudsman laban sa 49 opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) kaugnay ng umano’y iregularidad sa procurement ng mga fire truck.
Sa forum ng Kapihan ng Samahang Plaridel, sinabi ni Remulla na nagsagawa siya ng masusing imbestigasyon sa Bids and Awards Committee (BAC), pricing, at buong procurement process ng BFP.
Ayon sa kalihim, kabilang sa mga kinasuhan ang buong BAC at ilang opisyal ng directorate ng ahensya matapos umano nilang matuklasan ang kahina-hinalang pagtaas ng presyo ng mga fire truck sa paglipas ng mga taon.
Aniya, ang mga fire truck na nagkakahalaga umano ng ₱5 milyon noong 2015 ay umabot sa ₱10 milyon noong 2018 at naging ₱15 milyon pagsapit ng 2021 kahit pareho lamang umano ang unit.
Sinabi rin ni Remulla na suspendido na ang mga opisyal na sangkot sa kaso habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Inilarawan din ng DILG chief ang umano’y katiwalian sa loob ng BFP bilang isang “organized crime syndicate.”
Kasabay nito, inihayag ni Remulla na mahigit 650 fire inspectors sa Metro Manila na inakusahan ng korapsyon ang inilipat sa malalayong lugar gaya ng Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
Inatasan din ang mga bagong deploy na fire inspectors na magsuot ng body cameras habang nagsasagawa ng inspeksyon upang matiyak ang transparency at accountability sa kanilang operasyon.














