Naaresto ang limang (5) indibidwal at isang drug den ang nabuwag sa isinagawang anti-illegal drug operation ng pinagsanib na puwersa ng PNP Calabanga at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Camarines Sur Provincial Office sa Brgy. Binaliw, Calabanga, Camarines Sur kagabi, Abril 19, 2026.
Ayon sa ulat ng pulisya, isinagawa ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang itinuturing na drug den maintainers, isang empleyado, at dalawang bisita na naaktuhang gumagamit umano ng ilegal na droga sa loob ng naturang lugar.
Sa operasyon, nakumpiska ang isang sachet ng hinihinalang shabu na naibenta sa poseur-buyer sa halagang ₱17,000.00. Bukod dito, nadiskubre rin ang karagdagang sampung (10) sachet ng hinihinalang shabu mula sa isa sa mga suspek.
Agad na ipinaalam sa mga naaresto ang kanilang mga karapatang konstitusyonal bago dinala sa kustodiya ng mga awtoridad. Patuloy na isinasailalim sa laboratory examination ang mga nakumpiskang ebidensya.
Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.














