Umabot sa 539 na kaanak ng mga biktima ng umano’y extrajudicial killings (EJK) ang nag-apply bilang “participating victims” sa kasong isinampa laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), ayon sa ulat.

Ayon kay ICC Assistant to Counsel Atty. Maria Kristina Conti, layunin ng mga aplikante na maiparating ang kanilang pananaw sa proseso ng paglilitis. Nilinaw din niya na hindi kinakailangang tumestigo sa korte ang mga participating victims dahil hiwalay sila sa mga testigong ilalatag ng Prosecution at Defense.

Saklaw ng kaso ang mga insidente mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019 kaugnay ng umano’y extrajudicial killings.

Dagdag pa ni Conti, maaari ring isaalang-alang ng ICC ang mga request sa proseso ng paglilitis, kabilang ang posibilidad ng partisipasyon ng akusado sa pagdinig sa pamamagitan ng video call.

Advertisement

Ayon sa ulat, posibleng magsimula ang paglilitis sa loob ng taong ito.

Nauna nang pinagtibay ng ICC ang hurisdiksyon nito at kinumpirma ang mga sakdal laban kay Duterte kaugnay ng crimes against humanity, kabilang ang murder at attempted murder, na umano’y bahagi ng malawak at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan.

Advertisement