Iginiit ng kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na hindi katumbas ng hatol na pagkakasala ang 90-araw na preventive suspension na ipinataw sa kanya kaugnay ng kasong plunder.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, abogado ni Romualdez, nilinaw ng Sandiganbayan na kinakailangan pang dumaan sa paglilitis at mapatunayan ang mga alegasyon ng umano’y pagkakasangkot ng dating House Speaker sa plunder at pagtanggap ng kickback o komisyon.
Paliwanag ni Fajardo, ang resolusyong inilabas ng korte noong Nobyembre 10 ay nakabatay lamang sa legal na information at sa mandatoryong pagpapatupad ng preventive suspension alinsunod sa batas.
Binigyang-diin din ng abogado na wala pang pinal na desisyon ang korte na nagpapatunay na nagkasala si Romualdez o tumanggap ito ng anumang ilegal na komisyon.
Sa kabila ng pagkakakulong ng dating Speaker at kawalan niya ng pagkakataong gamitin ang karaniwang kapangyarihan ng kanyang tanggapan, sinabi ng depensa na iginagalang nila ang kautusan ng korte at kasalukuyang sinusuri ang mga posibleng legal na hakbang.
Dagdag pa ni Fajardo, nananatiling responsibilidad ng prosekusyon na patunayan ang lahat ng alegasyong ibinabato laban kay Romualdez.












