NAGA CITY- Kinumpirma ng 9th Infantry Division Philippine Army na may mga opisyal ng gobyerno parin ang tumutulong sa mga rebeldeng grupo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Maj. Ricky Anthony Aguilar, Chief ng Division Public Affairs Office ng 9ID, sinabi nitong hindi mawawala ang posibilidad na dahil sa takot kung kaya may mga opisyal na napipilitang mag-abot ng tulong sa mga rebelde.

Ngunit, ayon kay Aguilar, mas makabubuti aniyang itigil na ng mga government officials ang ganitong gawain dahil tiyak na sila lamang ang mapapahamak kung magkataon.

Samantala nanawagan naman si Aguilar sa mga miyembro ng mga rebeldeng grupo na patuloy na nakikipaglaban sa gobyerno na makipagtulungan na lamang at tuldukan na ang karahasan.

Kung maaalala, isang kapitan na pinaniniwalaang miembro ng NPA ang napatay noong isang linggo matapos makaengkwentro ang mga otoridad sa Masbate.