Photo ©LGU San Jose

NAGA CITY- Opisyal nang isinagawa ang inagurasyon ng unang tourist rest area sa buong Bicol region sa bayan ng San Jose Camarines Sur nitong Miyerkules, Marso 12 sa kasalukuyang taon.

Sa pagharap sa mga kagawad ng media ni Department of Tourism Sec. Christina Frasco sinabi nito na ang nasabing tourist rest area ang kauna-unahan sa Bicol Region ngunit mas dapat asahan pa umano partikular sa lalawigan ng Camarines Sur ang pagpapatayo nito sa mga susunod na taon.

Ayon kay Frasco, ang bayan ng San Jose ay may malaking potensyal sa turismo dahil sa maraming mga imprastraktura sa aspeto ng mga pasilidad na pangsuporta tulad ng Caramoan, ang sikat na beach na dinarayo ng mga turista sa nasabing lalawigan.

Ang pangunahing layunin nito ay magbigay ng convenience sa mga turista sa pamamagitan ng paggamit ng mga komportableng pasilidad na talagang maghihikayat sa kanila na bumalik muli.

Ang nasabing rest area, kumpleto sa lahat ng pangangailangan ng mga bakasyunista, isa na rito ang information counter, rest rooms, mga lokal na pasalubong na magsisilbi ring tulong sa mga maliliit na negosyante.

Maaalala, naging prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatayo ng mga tourist infrastracture asistance sa mga LGUs upang suportahan ang mga lokal na ekonomiya sa mga lugar.

Sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga de kalidad na imprastraktura, ang kalidad ng tourism experience ay higit na mapapahusay rin, at sa pagtaas ng kalidad nito, ang mga bisita ay mas pipiliing mananatili pa nang matagal at magkakaroon ng mas malaking pagkakataong makabalik pa.

Resulta pa nito, magkakaroon ng mas maraming tourism receipts sa spending at mas maraming alok na trabaho para sa mga residente sa lugar.

Sa ngayon, iginiit ni Frasco na napakahalagang mabigyan ng suporta ng mga tao ang domestic at internasyunal na turismo dahil malaki rin ang tulong nito sa ekonomiya ng bansa.