Mahigpit na minomonitor ng Department of Agriculture ang posibleng epekto ng Bagyong Francisco sa sektor ng agrikultura, lalo na sa mga lugar sa Luzon na inaasahang makararanas ng matinding epekto ng sama ng panahon.
Batay sa datos ng ahensiya, tinatayang aabot sa 66,997.01 ektarya ng mga nakatanim na pananim sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang maaaring maapektuhan ng bagyo. Kabilang dito ang 53,652.72 ektarya ng palayan at 13,344.29 ektarya ng maisan.
Ipinaliwanag ng DA na karamihan sa mga pananim ay nasa seedling at reproductive stage pa lamang, kaya mas madaling maapektuhan ng malalakas na pag-ulan at malakas na hangin.
Sa paunang pagsusuri, kabilang sa mga maaaring tamaan ng bagyo ang mga rehiyon ng Mimaropa Region, Bicol Region, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Caraga Region, Cagayan Valley, at Central Luzon. Posible pa umanong madagdagan ang mga lugar na maaapektuhan habang patuloy na lumalakas ang bagyo.
Bilang bahagi ng paghahanda, inatasan na ng DA ang mga regional office nito na tutukan ang sitwasyon ng mga magsasaka at mga sakahang posibleng tamaan ng bagyo.
Gayunman, sinabi rin ng ahensiya na may maaaring maging positibong epekto ang mga pag-ulan dulot ng bagyo, partikular sa mga pananim na nakaranas ng kakulangan sa tubig at matinding init nitong mga nakaraang buwan.
Patuloy namang binabantayan ng DA ang kalagayan upang agad na makapaghatid ng kinakailangang ayuda at suporta sa mga magsasakang maaapektuhan ng Bagyong Francisco.














