Pormal nang nagpadala ng Notice to Respondent ang House Committee on Justice kay Sara Duterte kaugnay ng dalawang verified impeachment complaints na inihain laban sa kanya.
Sa abisong may petsang Marso 4, 2026, ipinadala ang notice sa Office of the Vice President sa Mandaluyong City na nag-uutos sa bise presidente na magsumite ng kanyang verified answer sa loob ng sampung araw na hindi na maaaring palawigin, alinsunod sa patakaran ng Kamara sa impeachment proceedings.
Ayon sa komiteng pinamumunuan ni Gerville Luistro, nakitaan na ng sufficient in substance ang dalawang reklamong impeachment kaya ipinagpatuloy na ang proseso.
Ang mga reklamo ay inihain nina Joel Saballa at Nathaniel G. Cabrera.
Binalaan din ng komite na kung hindi makapagsusumite ng sagot si Duterte sa itinakdang panahon, ituturing itong pagtalikod sa karapatang sumagot at ipapalagay na pangkalahatang pagtanggi sa mga alegasyon.
Samantala, kinumpirma na ng Office of the Vice President na natanggap nila ang naturang abiso bandang alas-10:44 ng umaga nitong Marso 5, 2026.
Ayon sa patakaran ng House of Representatives of the Philippines, kinakailangang makapagsumite muna ng verified answer ang respondent bago magpatuloy ang komite sa susunod na yugto ng deliberasyon sa mga reklamo.












