Mananawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng kapayapaan at pagpigil sa tumitinding tensyon sa Middle East sa kanyang pagdalo sa United Nations sa New York sa Marso 9 hanggang 10, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sinabi ni DFA spokesperson Assistant Secretary Angelica Escalona na mahalaga ang pagbisita ng Pangulo sa United Nations lalo na sa gitna ng lumalalang krisis sa Middle East.

Ayon kay Escalona, gagamitin ni Marcos ang pagkakataon upang ihayag ang panawagan para sa kapayapaan, paggalang sa international law, at pagbabalik sa negosasyon ng mga sangkot na bansa.

“Ang UN ang pinaka-angkop na lugar upang manawagan ang ating Pangulo para sa kapayapaan sa Middle East at sa kaligtasan ng lahat ng mga sibilyan lalo na ng ating mga kababayan,” ani Escalona sa pre-departure briefing sa Malacañang.

Advertisement

Dagdag pa niya, magbibigay ang Pangulo ng boses para sa mga bansa sa rehiyon at mga developing countries, habang hinihikayat ang lahat ng panig na igalang ang UN Charter at international humanitarian law.

Nakatakda ring magsalita si Marcos sa 70th Session ng UN Commission on the Status of Women, kung saan bibigyang-diin niya ang pangako ng Pilipinas na isulong at protektahan ang karapatan at kapakanan ng kababaihan at mga batang babae.

Makikipagpulong din ang Pangulo kay UN Secretary-General António Guterres upang talakayin ang sitwasyon sa Middle East at iba pang pandaigdigang usapin.

Sa naturang pagbisita, hihingi rin ang Pangulo ng suporta para sa kandidatura ng Pilipinas bilang non-permanent member ng UN Security Council, na ayon sa DFA ay magbibigay ng mas malakas na boses sa bansa sa mga usapin ng pandaigdigang kapayapaan at seguridad.

Binigyang-diin ni Escalona na mahalaga ito hindi lamang para sa Pilipinas kundi pati sa mga mamamayan ng developing countries dahil may epekto ito sa soberanya, maritime security, global economy, at kaligtasan ng overseas Filipino workers.

Samantala, sinabi ng DFA na walang nakatakdang pulong si Marcos kay US President Donald Trump o sa iba pang world leaders sa kanyang working visit. Wala rin sa iskedyul ang pakikipagkita sa Filipino community sa New York.

Makakasama ng Pangulo sa biyahe sina First Lady Louise Araneta-Marcos, Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro, Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Carlito Galvez Jr., at Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez, kasama ang iba pang opisyal ng pamahalaan.

Advertisement