Binasag na ng aktres at TV host na si Anne Curtis ang kanyang pananahimik kaugnay sa umano’y malaswa at sekswal na pahayag ni Quezon City Rep. Bong Suntay sa isang pagdinig sa House of Representatives of the Philippines.
Sa isang pahayag sa Instagram, sinabi ni Curtis na una niyang piniling manahimik upang makasama ang kanyang pamilya na na-stranded sa Middle East. Ngunit nang makabalik na siya sa Pilipinas, nagpasya siyang magsalita dahil mali umano ang manatiling tahimik sa ganitong sitwasyon.
Tinuligsa ng aktres ang naging pahayag ng kongresista at tinawag itong “bulgar at sexualized,” lalo na’t ginamit umano ang kanyang pangalan nang walang pahintulot at paggalang.
Hindi rin tinanggap ni Curtis ang paghingi ng paumanhin ni Suntay at nanawagan sa mga awtoridad, kabilang ang ethics committee, na imbestigahan ang insidente. Ayon pa sa kanya, kinokonsulta na rin niya ang kanyang mga abogado para sa posibleng legal na hakbang.














