Photo © web

Iniutos ng Sandiganbayan ang pagsamsam sa hindi bababa sa 16 na real properties na pagmamay-ari ng dating kongresista na si Zaldy Co kaugnay ng kinakaharap nitong kasong graft na may kinalaman sa umano’y substandard na flood control project sa Oriental Mindoro.

Inilabas ng Sandiganbayan ang kautusan matapos pagbigyan ang mosyon ng mga piskal ng pamahalaan na maglabas ng Writ of Preliminary Attachment laban kay Co at sa kanyang asawa na si Mylene Co.

Layunin ng hakbang na matiyak ang posibleng pagbabayad ng hanggang P215 milyong civil liability sakaling mapatunayang nagkasala si Co sa kasong kinakaharap nito.

Ayon sa korte, pinapayagan ng Rule 127 ng Rules of Court ang gobyerno, bilang offended party, na ipasamsam ang mga ari-arian ng akusado bilang seguridad sa anumang hatol na maaaring ipataw sa kaso.

Advertisement

Nakasaad sa desisyon ng Sandiganbayan na saklaw ng probisyong ito ang mga kasong may kinalaman sa pondong pampubliko na umano’y nawaldas, maling nagamit, o nailihis ng mga opisyal ng gobyerno o ng mga taong may kaugnayan sa kanila.

Batay sa affidavit na inihain ng Office of the Ombudsman, sinasabing nagkaroon ng sabwatan ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways at si Co upang patunayang tama ang mga dokumento sa flood control project kahit may malaking diperensya sa mga materyales na ginamit.

Halimbawa, ang mga steel sheet pile na dapat ay 12 metro ang haba ay umabot lamang umano sa 3 metro, ayon sa mga dokumentong isinumite sa kaso.

Ipinunto rin ng korte na ang kumpanyang Sunwest, Inc., na sinasabing tinulungan umanong maitatag at mapakinabangan ni Co, ay walang legal na karapatan sa P215 milyong bayad mula sa proyekto at ang mga dokumentong ginamit sa pag-claim ng pondo ay umano’y peke.

Dagdag pa ng Sandiganbayan, kung hindi agad masasamsam ang mga ari-arian ni Co, may posibilidad na maitago o maipagbili nito ang kanyang mga asset sa bansa na maaaring makaapekto sa kakayahan ng estado na makuha ang posibleng kabayaran sakaling magkaroon ng hatol laban sa kanya.

Advertisement