Photo © web

Nagsampa ng reklamo si National Security Adviser Eduardo Año ng cyberlibel at perjury laban sa 18 umano’y dating Marines at sa kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod kaugnay ng pagkakadawit ng kanyang pangalan sa kontrobersiya ng umano’y cash deliveries mula kay Zaldy Co.

Inihain ni Año ang reklamo sa Department of Justice noong Miyerkules, isang linggo matapos siyang magsampa ng unang kaso laban sa parehong mga indibidwal.

Sa isang ambush interview, sinabi ni Año na inamin umano ni Baligod sa publiko na may manipulasyon sa nilalaman ng affidavit na inihain ng mga dating Marines.

Ayon sa opisyal, sinabi rin umano ng abogado na isang “oversight” o pagkakamali ang naturang pagbabago sa dokumento, bagay na ayon sa legal counsel ni Año ay maaaring bumuo ng kasong perjury.

Advertisement

Noong nakaraang linggo, nagsampa na rin si Año ng reklamo laban kina Baligod, sa mga sinasabing dating Marines, at kay dating kongresista Mike Defensor dahil sa umano’y paglabag sa Article 154 o unlawful use of means of publication ng Revised Penal Code kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012.

Idinawit si Año sa alegasyon na umano’y nakatanggap siya ng paper bag matapos ang isang pulong sa Polo Club townhouse kasama sina Co, dating House Speaker Martin Romualdez, at Mamamayang Liberal Representative Leila de Lima.

Nilinaw ni Año na mas “personal” ang bagong reklamo kumpara sa nauna niyang isinampa na nakatuon umano sa pagkalat ng fake news.

Aniya, nais lamang niyang tutukan ang mga “malicious imputations and publications” na direktang nakatuon laban sa kanya.

Iginiit din ni Año na kung susuriin ang joint affidavit ng mga nag-akusa, malinaw na may nakatalagang tao sa bawat talata na umano’y nakakita sa mga pangyayari, ngunit wala umanong malinaw na tumukoy sa kanya.

Bagamat naniniwala si Año na may dalawang indibidwal na nasa likod ng pagkakasama ng kanyang pangalan sa affidavit, tumanggi siyang tukuyin kung sino ang mga ito.

Samantala, sinabi na ng Philippine Navy na apat sa 18 na nagpakilalang dating Marines ay hindi kailanman naging miyembro ng Navy o ng Philippine Marine Corps.

Bukod kay Año, nagsampa na rin ng mga reklamo laban sa mga dating Marines sina dating senador Antonio Trillanes IV, House Deputy Minority Leader Leila de Lima, pari na si Flavie Villanueva, at Gregorio Catapang Jr., director general ng Bureau of Corrections.

Advertisement