Hindi prayoridad ng ilang asosasyon ng tricycle sa Naga City ang magtaas ng pamasahe sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Gil Belen, FETODA President, sinabi nito na nagkaroon na ng pag-uusap ang kanilang asosasyon tungkol sa mga hakbang na maaaring gawin upang hindi malugi ang mga tricycle driver sa gitna ng patuloy na oil price hike.

Kabilang sa kanilang mga rekomendasyon ang pagbabawal sa mga private vehicle na walang prangkisa na magsakay ng pasahero, lalo na kung hindi residente ng Naga; pagdaragdag ng pasahero sa mga tricycle na may malalaking espasyo; pakikipagkompetensiya sa mga e-vehicles; mas mabilis na pagtungo ng mga driver sa kanilang pila upang agad na makakuha ng panibagong pasahero; at paghingi ng fuel subsidy mula sa pamahalaan.

Gayunpaman, ayon kay Belen, hindi muna nila ipatutupad ang panukalang pagtaas ng pamasahe. Aniya, kailangan pa itong pag-aralang mabuti dahil maaari itong makaapekto sa kanilang araw-araw na kita sa pamamasada. Dagdag pa ng opisyal, mahalagang pag-aralan nang mabuti ang mga susunod na hakbang upang mapangalagaan ang kapakanan ng parehong tsuper at pasahero. Ibinahagi rin ni Belen na sa kanilang TODA, kahit patuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, wala naman umanong tricycle driver ang tumigil sa pamamasada kahit may ilang gasolinahan na nagsara dahil sa kakulangan ng suplay ng langis.

Advertisement

Sa ngayon, inaasikaso na ng kanilang asosasyon ang panukalang ihahain sa tanggapan ni Leni Robredo, alkalde ng Naga City, at sa tanggapan ng kongresista si Congressman Nelson Legacion ng 3rd District ng Camarines Sur na upang makahanap ng epektibong solusyon sa mga hamong kinakaharap ng kanilang grupo dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Advertisement