Hinimok ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga alkalde sa bansa na gamitin ang makabagong teknolohiya at digital tools upang mapabuti ang paghahatid ng serbisyo sa publiko at mapalakas ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan.

Ginawa ni Dy ang panawagan sa ginanap na general assembly ng League of Municipalities of the Philippines kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng digital governance sa ilalim ng programang “Bagong Pilipinas.

Ayon sa kanya, mahalagang suportahan ng mga lokal na opisyal ang digital transformation ng pamahalaan upang mas mapabilis at maging mas episyente ang mga serbisyo sa mamamayan.

Binanggit ni Dy ang eGov PH app bilang halimbawa ng digitalisasyon sa gobyerno, na mayroon na umanong mahigit 40 milyong gumagamit at tumutulong sa pagpapabilis ng mga transaksyon tulad ng pagkuha ng business permits at iba pang government services.

Advertisement

Hinikayat din niya ang mga lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang mapalawak pa ang paggamit ng digital services sa mga munisipalidad.

Dagdag pa ni Dy, makatutulong din ang paggamit ng teknolohiya tulad ng geo-mapping sa disaster preparedness dahil natutukoy nito ang mga lugar na madaling tamaan ng landslides, pagbaha, at lindol, na maaaring magsilbing gabay sa pag-isyu ng development permits at pagprotekta sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan.

Advertisement