Nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang P142.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu na itinago sa mga lalagyan ng ketchup at mayonnaise sa Barangay Santo Domingo, Quezon City nitong madaling araw ng Miyerkules.

Isinagawa ang buy-bust operation ng PDEA Special Enforcement Service, PDEA regional office, at Philippine National Police Drug Enforcement Group. Naaresto ang dalawang high-value target habang nagbebenta ng 500 gramo ng hinihinalang shabu sa isang ahenteng nagpanggap na buyer.

Sa inspeksyon sa kanilang van at kagamitan, nadiskubre ang 20.5 kilo ng shabu na nakatago sa mga lalagyan ng condiments. Ayon kay PDEA spokesperson Joseph Frederick Calulut, posibleng may iba pang kasabwat sa operasyon ng sindikato.

Nasamsam din ang iba pang drug paraphernalia, habang ang dalawang suspek ay tumangging magbigay ng pahayag at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Advertisement
Advertisement