Nanawagan ang National Press Club (NPC) of the Philippines sa mga awtoridad na igalang ang press freedom at due process kasunod ng pagkakaaresto sa beteranong radio reporter na si Misael “Boy” Gonzales dahil umano sa paglabag sa Data Privacy Act.
Ayon sa NPC, dapat maging maingat ang mga kinauukulan sa paghawak ng kaso dahil may kinalaman ito sa pag-uulat ng isang mamamahayag tungkol sa kasong may interes sa publiko. Nag-ugat ang kaso laban kay Gonzales matapos niyang iulat ang warrant of arrest laban sa isang konsehal ng Maynila na nahaharap sa reklamong lascivious conduct na kinasasangkutan umano ng isang menor de edad.
Binigyang-diin ng NPC na ang ulat ng reporter ay nakabatay sa opisyal na rekord ng korte at malinaw na may basehan, at naunang ibinasura ng korte ang reklamong isinampa laban kay Gonzales sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Noong nakaraang taon, naglabas ang korte ng warrant of arrest laban sa konsehal kaugnay ng paglabag sa Section 5(b) ng Republic Act 7610, na inamyendahan ng Republic Act 11648, at itinakda ang piyansa sa halagang ₱400,000.
Samantala, inaresto si Gonzales, 66-anyos, bandang alas-10:50 ng umaga nitong Miyerkules sa harap ng Department of Justice sa Padre Faura, Ermita, sa isinagawang operasyon ng Manila Police District Intelligence and Operations Unit.











