Suportado ni Agimat Partylist Rep. Bryan Revilla ang panukalang dagdagan ang pondo at emergency assistance para sa overseas Filipino workers (OFWs) sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East na maaaring magdulot ng mas maraming repatriation ng mga Pilipino.

Ayon kay Revilla, chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs, handa ang Kamara na pag-aralan ang paglalaan ng mas malaking pondo para sa mga ahensyang tumutulong sa OFWs sa susunod na General Appropriations Act o kahit sa pamamagitan ng supplemental budget kung lalala pa ang krisis at dadami ang mga Pilipinong kailangang pauwiin.

Binanggit din ng mambabatas ang kakulangan sa tauhan ng mga Migrant Workers Office sa rehiyon, na may 10 hanggang 20 empleyado lamang bawat opisina kahit tinatayang may humigit-kumulang 2.4 milyong Pilipino na nagtatrabaho sa Middle East.

Batay sa datos ng pamahalaan, mahigit 4,357 Pilipino sa Kuwait ang humingi na ng tulong, at 2,690 sa kanila ang nag-request ng repatriation.

Advertisement

Mayroon pa umanong mahigit ₱1.4 bilyon sa emergency repatriation fund at ₱2 bilyon sa action fund na maaaring gamitin para sa evacuation at iba pang agarang tulong sa mga OFW.

Binigyang-diin ni Revilla na mahalagang maprotektahan ang mga OFW na nagpapadala ng tinatayang $32.8 bilyong remittance sa bansa kada taon. Dagdag pa niya, patuloy na inaayos ng pamahalaan ang chartered flights at iba pang hakbang upang matiyak ang ligtas na pag-uwi ng mga Pilipino mula sa Middle East.

Advertisement