Naitala ng Pilipinas ang pinakamataas na trade deficit sa kasaysayan noong Oktubre 2026 na nagkakahalaga ng $6.95 bilyon, mas mataas ng 65.6 porsyento kumpara sa $4.20 bilyon noong kaparehong buwan noong 2025.

Sa kabila nito, kapwa nagtala ng pinakamataas na halaga ang exports at imports ng bansa mula nang simulan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pangangalap ng datos noong 1991.

Umabot sa $10.57 bilyon ang kabuuang exports ng Pilipinas, na pangunahing nagmula sa electronic products na nagkakahalaga ng $7.40 bilyon. Kabilang naman sa mga pangunahing bansang pinagdalhan ng mga produktong iniluluwas ang Estados Unidos, Vietnam at Hong Kong.

Samantala, pumalo sa $17.52 bilyon ang imports, na karamihan ay nagmula sa China, South Korea at Indonesia.

Advertisement

Dahil dito, umabot sa $28.08 bilyon ang kabuuang kalakalan ng bansa noong Oktubre.

Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, patunay ng katatagan ng manufacturing sector at kakayahan ng mga lokal na industriya na makipagsabayan sa pandaigdigang merkado ang paglampas ng exports sa $10 bilyon sa unang pagkakataon.

Tiniyak naman ng Department of Trade and Industry (DTI) na gagamitin ang positibong paglago ng exports upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan at matulungan ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) na makapasok sa pandaigdigang merkado.

Advertisement