Posibleng umabot sa hanggang P4 kada kilowatt hour ang dagdag-singil sa kuryente sa buwan ng Abril, ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Ipinaliwanag ni ERC Chair at CEO Francis Saturnino Juan na batay sa isinagawang simulation ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), lumalabas ang potensiyal na pagtaas ng singil sa kuryente ng mula P2 hanggang P4 kada kWh.
Ayon kay Juan, nakabatay ang naturang simulation sa kasalukuyang trend ng presyo ng langis at sa mga salik na maaaring makaapekto sa supply at demand ng kuryente.
Kabilang sa mga ikinonsidera ang epekto ng mga pag-atake sa oil-producing regions, ang mas mataas na demand sa panahon ng tag-init, at ang posibilidad ng outages sa ilang mga planta ng kuryente.
Ipinapakita rin sa simulation na inaasahang susunod na magtataas ng presyo ang mga thermal generator kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis bilang bahagi ng kanilang cost recovery.
Nauna na ring sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na maaaring magresulta ang kasalukuyang geopolitical tension sa hanggang 16 porsyentong pagtaas sa electricity rates sa bansa.










