Binabalaan ni Senador Erwin Tulfo na walang lugar ang mga politiko na “epal” sa pamamahagi ng fuel subsidy ng gobyerno para sa mga PUV drivers at mangingisda sa gitna ng krisis sa mataas na presyo ng petrolyo.

Sinabi ni Tulfo noong Linggo, Marso 15, na mahigpit niyang ipinatutupad ang patakaran laban sa paggamit ng fuel subsidy para sa political motives.

“May mga patakaran tayong nagbabawal sa pakikialam ng mga politiko. Ang sinumang mahuling ginagamit ang krisis na ito para sa political motives ay dapat parusahan,” ani Tulfo, chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development.

Dagdag pa niya, “Ang pondo para sa mga subsidy na ito ay galing sa pinaghirapang buwis ng mga mamamayan; walang pakialam dapat ang kahit sinong politiko sa pamamahagi.”

Advertisement

Noong Pebrero, isinulong ni Tulfo ang Senate Bill No. 1750, o ang “Anti-Epal Act,” na naglalayong permanenteng ipagbawal ang pakikilahok ng mga elected officials at kandidato sa aktwal na pamamahagi ng tulong pinansyal ng gobyerno.

Tiniyak din ng senador na ang fuel subsidy ay dapat inclusive, kabilang ang 8.5 milyong motorcycle riders sa bansa. “Huwag nating iwanan ang motorcycle-riding public. Gumagamit sila ng gasolina sa kanilang motorsiklo, kaya hindi natin maaaring limitahan ang excise tax suspension sa diesel lamang,” ani Tulfo.

Sa pahayag niya sa Senate Ways and Means Committee noong Marso 11, binigyang-diin ng senador ang pangangailangang isama ang lahat ng sektor sa transportasyon upang hindi maapektuhan ang kabuhayan ng mga gumagamit ng motorsiklo.

Advertisement