Photo © web

Opisyal nang binawi ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang hiling na pahintulot na umapela kaugnay sa isang confidential decision ng International Criminal Court (ICC).

Kinumpirma ng lead counsel ni Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman na iniatras na nila ang “request for leave to appeal” laban sa desisyon ng International Criminal Court Pre-Trial Chamber I.

Isinumite ng depensa ang pormal na pagbawi noong Marso 16, 2026, kasunod ng inilabas na kautusan ng korte noong Marso 13, 2026.

Ayon sa depensa, ang kanilang hakbang ay ginawa “without prejudice,” na nangangahulugang maaari pa rin nilang muling ihain o itaas ang parehong isyu sa hinaharap kung kinakailangan.

Advertisement

Ang naunang apela ay may kaugnayan sa kahilingan ng kampo ni Duterte na i-diskwalipika ang mga abogado ng mga biktima o ang Common Legal Representatives for Victims.

Kabilang sa nais nilang ipatanggal sa kaso ang mga abogadong sina Joel Butuyan, Gilbert Andres, at ang kanilang case manager na si Nicolene Arcaina.

Iginiit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may umiiral na conflict of interest sa pagkatawan ng mga nabanggit na abogado sa mga biktima sa kaso.

Ang naturang hakbang ay bahagi ng nagpapatuloy na legal na proseso sa pagitan ng depensa at ng ICC Pre-Trial Chamber I hinggil sa mga procedural na usapin habang nasa kustodiya ng ICC ang dating Pangulo sa The Hague.

Advertisement