Nagsimula na ang implementasyon ng kampanya sa disiplina ng Public Safety Office (PSO) ng Naga City. Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Renee Gumba, Head ng PSO, katuwang nila sa pagpapatupad ang Naga City Police Office, mga Barangay, at Cross Multipliers.
Muling ipinatupad ang One Time Bigtime operations sa buong lungsod kasama ang mga tauhan ng Naga City Police Office at Land Transportation Office. Pinaalalahanan ni Gumba ang mga motorista mula sa labas ng Naga na dalhin ang kumpletong dokumento gaya ng driver’s license at rehistro ng sasakyan upang maiwasan ang paglabag sa batas trapiko.
Patuloy ding ginagamit ang wheel clamp upang mapanatiling maayos ang daloy ng trapiko. Kasama sa pinaalalahanan ang mga sidewalk vendors na ipinagbabawal magtinda sa kalsada dahil nagdudulot ito ng obstruction na delikado para sa mga pedestrian at motorista.
Dagdag pa rito, pinaalalahanan ang mga pedestrian na gumamit ng pedestrian lane at iwasang tumawid sa mga bawal na lugar upang makaiwas sa aksidente.
Sa ngayon, walang pagbabago sa operasyon ng PSO, ngunit nananawagan si Gumba ng pakikipagtulungan mula sa publiko upang maging ligtas at organisado ang buong lungsod ng Naga.













