Nagbabala ang Department of Energy na maaaring umabot sa ₱134.30 kada litro ang diesel at ₱112.40 naman ang gasolina ngayong linggo, ayon kay DOE Sec. Sharon Garin.
Ayon sa DOE, ang nasabing presyo ay pagtataya lamang at maaaring mag-iba depende sa lokasyon, tulad ng sa Metro Manila kumpara sa mga malalayong lalawigan at barangay.
Sinabi ni Garin na bagama’t mas maliit ang inaasahang pagtaas kumpara noong nakaraang linggo, nananatili itong malaking dagdag-pasakit sa mga motorista at sektor ng transportasyon.
Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ay inaasahang magkakaroon ng epekto sa pamasahe at presyo ng mga bilihin, lalo na sa mga lugar na umaasa sa transportasyon para sa suplay ng pangunahing pangangailangan.
Nauna nang nagpatupad ang pamahalaan ng fuel subsidy para sa mga operator ng pampublikong sasakyan upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis.
Patuloy namang pinapayuhan ng DOE ang publiko na magtipid sa konsumo ng gasolina at maghanda sa posibleng dagdag-gastos sa mga susunod na araw.













