Nanawagan ang Department of Energy (DOE) sa publiko, partikular sa mga motorista, na isumbong ang mga gasoline station o oil companies na hindi nagpapatupad ng itinakdang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon sa DOE, maituturing na uri ng price manipulation ang hindi pagsunod sa opisyal na bawas-presyo ng mga produktong petrolyo.

Sinabi ng Oil Industry Management Bureau (OIMB) na inatasan na nila ang mga oil company na tiyaking maipatutupad ang price adjustments at maipararating ang kautusan sa lahat ng kanilang mga downline gasoline station.

Nagsasagawa rin ang ahensya ng mga biglaang inspeksyon sa iba’t ibang gasolinahan upang matiyak na nasusunod ang itinakdang rollback.

Advertisement

Kaugnay nito, iniutos ng DOE sa lahat ng oil firms ang pagpapatupad ng mga sumusunod na bawas-presyo batay sa paggalaw ng presyo ng imported oil:

  • Diesel – ₱4.10 kada litro na rollback
  • Gasoline – ₱16.80 kada litro na rollback
  • Kerosene – ₱3.70 kada litro na rollback

Ipinaliwanag din ng kagawaran na ang malaking pagbaba sa presyo ng petrolyo ay iniuugnay sa pag-asang magkakaroon ng kapayapaan sa pagitan ng United States at Iran, gayundin sa pagkapanalo ng mga Democrat sa US midterm elections.

Hinihikayat naman ng DOE ang publiko na ireport ang mga gasolinahang hindi sumusunod sa price rollback sa pamamagitan ng 8888 Citizens’ Complaint Hotline o sa “Gas Station Concerns” feature ng e-GovPH app.

Ang mga mapatutunayang lalabag sa kautusan ay maaaring patawan ng Show Cause Order at kaukulang parusa alinsunod sa umiiral na mga patakaran.

Advertisement