Pormal nang pipirmahan ni Ferdinand Marcos Jr. ang isang panukalang batas na magbibigay sa kanya ng kapangyarihang suspendihin ang excise tax sa produktong petrolyo, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sinabi ng Pangulo na naipadala na sa Malacañang ang panukalang batas na kanyang sinertipikahang urgent at inaasahang mapipirmahan sa loob ng araw.

Ayon kay Marcos, nakipag-ugnayan ang pamahalaan sa Kongreso ng Pilipinas upang maisulong ang hakbang na magbibigay ng opsyon sa gobyerno na bawasan o alisin ang excise tax sa langis kapag kinakailangan.

Gayunman, nilinaw ng Pangulo na wala pang tiyak na petsa kung kailan ipatutupad ang suspensyon, dahil sa pabagu-bagong galaw ng presyo ng langis sa global market.

Advertisement

Tiniyak din ni Marcos na may sapat pang suplay ng langis ang bansa na tatagal ng humigit-kumulang 45 araw. Dagdag pa niya, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa iba’t ibang bansa tulad ng Japan, China, South Korea, India, at Russia upang matiyak ang tuloy-tuloy na daloy ng suplay.

Kaugnay nito, nagdeklara rin ang Pangulo ng national energy emergency, na nagbibigay ng karagdagang kapangyarihan sa Department of Energy upang agarang matugunan ang posibleng kakulangan sa suplay.

Binigyang-diin ni Marcos na ang hakbang ay isang preventive measure at hindi dapat ikabahala ng publiko, bagkus ay patunay na kumikilos ang pamahalaan upang mapagaan ang epekto ng krisis.

Patuloy namang tumataas ang presyo ng langis sa nakalipas na mga linggo dulot ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran, na nakaapekto sa daloy ng suplay sa Strait of Hormuz—isang mahalagang ruta kung saan dumadaan ang malaking bahagi ng suplay ng langis sa buong mundo.

Advertisement