Naniniwala si US Secretary of State Marco Rubio na ilang linggo na lamang ay matatapos na ang giyera sa Iran, kasunod ng tuloy-tuloy na pagpupursige ng Estados Unidos na ipatupad ang kanilang peace plan.
Ipinahayag ni Rubio na malinaw ang layunin ng US sa nasabing peace plan at malapit na itong makamit sa itinakdang panahon. Kabilang siya sa mga dumalo sa G7 meeting sa France, kung saan tatalakayin ang posibilidad ng pagpapatigil ng giyera sa Iran.
Hinihintay ng Estados Unidos ang magiging tugon ng Iran sa kanilang 15-point plan, subalit hindi binanggit ni Rubio kung magpapakalat ng mga sundalo sa nasabing bansa bilang bahagi ng implementasyon ng plano.
Giit ni Rubio na ang hakbang ng US ay nakatuon sa diplomatikong solusyon upang mabilis na matapos ang tensiyon sa rehiyon at mapanatili ang kapayapaan sa Gitnang Silangan.













