Iginiit ng pamahalaan ng Iran na hindi sila uurong at gagawin ang lahat ng paraan upang kontrahin ang patuloy na pagharang ng Estados Unidos sa kanilang mga pantalan.
Nagsimula ang pagpapatupad ng US blockade noong Abril 13, ngunit pansamantala itong itinigil noong Hunyo kasunod ng pagbuo ng panukalang kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa. Gayunman, ibinalik ang hakbang noong Hulyo matapos mabigong maisakatuparan ang napag-usapan.
Ayon sa Iranian Ministry of Foreign Affairs, hindi nila tatanggapin ang naturang hakbang ng Amerika na itinuturing nilang isang agresyon militar laban sa kanilang bansa.
Nagsimula ang tensyon noong Pebrero 28 nang bombahin ng US at Israel ang Iran, na ikinasawi ng kanilang Supreme Leader. Lalong lumala ang sigalot nang gumanti ang Iran sa pamamagitan ng pagpapakawala ng mga missile at drone sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Naging mahalagang lugar sa labanan ang Strait of Hormuz matapos itong harangan ng Iran at magkaroon ng mga pag-atake sa mga barkong dumaraan dito.
Samantala, ginagamit ng US ang pagharang sa mga pantalan ng Iran bilang panggigipit upang mapilit ang bansa na buksan muli ang Strait of Hormuz at mapigilan ang pagpasok ng mga materyales na maaaring gamitin sa paggawa ng sandatang nuklear.














