Nananatili sa Pilipinas ang fugitive businessman Atong Ang, na iniuugnay bilang umano’y mastermind sa kaso ng mga nawawalang sabungero, ayon sa Bureau of Immigration (BI) records at pahayag ng kanilang spokesperson.

Sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval sa isang forum sa Manila na base sa tala ng ahensya, walang naitalang paglabas ng bansa si Ang mula nang lumutang ang kaso. “Sa record po natin, nakikita po natin that he is still in the country,” aniya.

Tinanong kung posible bang nakatakas si Ang gamit ang private yacht o eroplano, ipinaliwanag ni Sandoval na dumadaan pa rin sa immigration inspection ang mga pribadong sasakyang panghimpapawid at kailangan ng clearance mula sa iba’t ibang ahensya. Dagdag pa niya, may posibilidad man ng “backdoor exit,” patuloy itong binabantayan ng mga awtoridad.

Samantala, sinabi rin ng BI na nananatili sa abroad si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, at patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang kanyang kinaroroonan.

Advertisement

Ang pahayag ng BI ay bahagi ng patuloy na pagsubaybay ng mga awtoridad sa mga personalidad na iniuugnay sa mga kaso ng illegal cockfighting at pagkawala ng ilang sabungero sa bansa.

Advertisement