Nanawagan si Vice President Sara Duterte ng pagbabantay at pagiging mapagmatyag laban sa umano’y “weaponization of the law” at pakikialam ng dayuhang entidad, kasabay ng paggunita sa ika-81 kaarawan ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang video message, iginiit ng bise presidente ang kahalagahan ng kalayaan ng hudikatura sa bansa. “We must remain vigilant against the weaponization of the law and the unconstitutional intrusion of foreign bodies that seek to bypass our own courts,” ani Duterte.
Dagdag pa niya, dapat manatiling independiyente ang justice system ng Pilipinas at magsilbi lamang sa interes ng mamamayang Pilipino, hindi ng mga dayuhang kapangyarihan.
Ipinagdiriwang ng dating pangulo ang kanyang ika-81 kaarawan habang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands. Matatandaang kinumpirma ng Appeals Chamber ng ICC noong Marso 6 ang naunang desisyon ng Pre-Trial Chamber I na ipagpatuloy ang kanyang detensyon kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity kaugnay ng kanyang kampanya kontra ilegal na droga.
Nagpasalamat din si Vice President Duterte sa mga sumusuporta sa kanilang pamilya, kabilang ang mga grupo at boluntaryo na nagdaos ng mga aktibidad upang gunitain ang kaarawan ng dating pangulo. Aniya, ang kanilang suporta ay patunay umano ng pamumunong nagbigay-priyoridad sa kaligtasan at dignidad ng mga Pilipino.
Kasabay nito, iginiit ng bise presidente na ang pagtatanggol sa karapatan ng kanyang ama ay bahagi rin ng pagtatanggol sa soberanya ng bansa.
Samantala, nananatili sa kustodiya ng ICC si dating Pangulong Duterte mula nang siya ay arestuhin noong Marso 12, 2025, at kasalukuyang naghihintay ng paglilitis.
Nauna nang naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang kanyang mga anak na sina Paolo Duterte, Sebastian Duterte, at Veronica “Kitty” Duterte upang hilingin ang kanyang paglaya. Gayunman, hiniling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema na ibasura ang petisyon dahil umano sa kawalan ng merito. Iginiit naman ng kampo ng pamilya Duterte na hindi moot ang kanilang petisyon at patuloy nilang isinusulong ang kanilang panig.














