Photo © web

Tiniyak ng Malacañang na mananatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa hanggang Abril 16, 2026, kasunod ng kasunduan ng Department of Trade and Industry at mga manufacturer sa gitna ng tumataas na presyo ng langis.

Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na bahagi ito ng programang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport o UPLIFT ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Castro, batay sa ulat ni Cristina Aldeguer-Roque, nangako ang mga manufacturer na hindi magpapatupad ng anumang price increase hanggang sa itinakdang petsa.

Bilang bahagi ng pagbabantay, magsasagawa ang DTI ng lingguhang monitoring sa mga pamilihan upang matiyak na nasusunod ang kasunduan.

Advertisement

Inaasahan din ang panibagong pakikipagpulong ni Roque sa mga producer at manufacturer upang mapanatili ang katatagan ng presyo sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.

Bagama’t aminado ang Malacañang na may mga panlabas na salik na hindi kontrolado ng pamahalaan, tiniyak nito na gagawin ng lahat ng ahensya ang kinakailangang hakbang upang hindi maging pabigat sa mamamayan ang paggalaw ng presyo ng mga bilihin.

Advertisement