Handa na ang lahat ng transport hubs sa bansa para sa inaasahang dagsa ng mga biyahero ngayong Semana Santa, ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Sa isang press conference sa Camp Crame, sinabi ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na ipinatutupad ang whole-of-government approach upang matiyak ang ligtas at maayos na biyahe, alinsunod sa direktiba ni Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang sapat na pampublikong transportasyon at tuloy-tuloy na daloy ng trapiko.

“Minabuti po namin kasama po ang DILG, DPWH, PNP, maging ang LTO at LTFRB na siguruhing wala tayong obstruction sa kahabaan ng mga highway,” ani Lopez.

Mahigit limang milyong pasahero ang inaasahang dadaan sa mga paliparan, pantalan, bus terminal, at istasyon ng tren sa panahon ng bakasyon.

Advertisement

Nag-deploy na rin ang Philippine Coast Guard (PCG) ng 17,000 tauhan at inilagay sa full alert ang lahat ng yunit upang tiyakin ang kaayusan at kaligtasan. Inatasan din ang PCG na maghanda ng mga sasakyang-dagat sa matataong lugar upang makapagbigay ng libreng sakay sa mga maii-stranded na pasahero.

“Ito po ay usually sa Marinduque, sa Batangas, at sa Calapan. Naka-ready na po ang ating mga coast guards,” dagdag ni Lopez.

Pansamantalang ihihinto ang operasyon ng LRT-1, LRT-2, at MRT-3 mula Huwebes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay para sa taunang maintenance, habang mananatiling bukas ang EDSA Busway, jeepney, at TNVS.

Upang matugunan ang demand, nag-isyu ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 1,297 special permits para sa mga provincial bus at pinaalalahanan ang mga motorista na iwasan ang road rage.

Samantala, pinalawak ng Philippine Ports Authority (PPA) ang Online Reservation Assistance System (ORAS) upang mas mapadali ang booking ng mga pasahero sa mas maraming pantalan.

Advertisement