Nanawagan si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima na palakasin at palawakin ang service contracting program upang matiyak ang tuloy-tuloy na kita ng mga drayber at maayos na serbisyo sa mga commuter sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.

Sa House Resolution No. 913, hinikayat ni De Lima, kinatawan ng Mamamayang Liberal (ML) Party-list, ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Transportation (DOTr), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pag-aralan ang kasalukuyang implementasyon ng programa at tugunan ang mga kakulangan at hamon nito.

Layunin din ng panukala na masiguro ang inklusibong partisipasyon ng iba’t ibang sektor sa transportasyon at ang epektibong pagpapatupad nito sa buong bansa.

Ayon kay De Lima, marami nang drayber ang napipilitang huminto sa pamamasada dahil sa mataas na presyo ng krudo, habang ang iba naman ay halos wala nang kinikita. Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng agarang aksyon mula sa pamahalaan upang matugunan ang sitwasyon.

Advertisement

Sa ilalim ng service contracting program, binabayaran ang mga drayber batay sa kanilang tinakbong kilometro at performance incentives, anuman ang dami ng pasahero. Napatunayan aniya na epektibo itong subsidiya na nakatutulong hindi lamang sa mga drayber kundi pati sa mga commuter.

Dagdag pa rito, nakakatulong din ang programa upang mahikayat ang paggamit ng pampublikong transportasyon at mabawasan ang konsumo sa krudo.

Iminungkahi rin ni De Lima ang iba pang hakbang, kabilang ang pansamantalang pagsuspinde ng VAT sa produktong petrolyo, pagrepaso sa oil deregulation law, at pagbibigay ng regular na subsidiya sa mga sektor na labis na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.

Advertisement