Personal na nakipagpulong ang Department of Agriculture sa mga magsasaka sa Benguet sa pangunguna ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. upang alamin ang epekto ng tumataas na presyo ng krudo sa suplay at presyo ng gulay.

Sa isinagawang konsultasyon, ibinahagi ng mga magsasaka at stakeholders ang halos pagdodoble hanggang pagtriple ng kanilang gastos sa transportasyon mula bukid hanggang pamilihan. Mula sa dating ₱4,000 na gastos sa krudo para sa dalawang toneladang truck, umabot na ito sa halos ₱8,000 sa kasalukuyan.

Ayon naman sa mga truckers association, tumaas din ang kanilang operational cost mula ₱15,000 kada biyahe hanggang halos ₱35,000 mula La Trinidad Trading Post patungong Metro Manila.

Dahil dito, posibleng tumaas ng ₱1.00 hanggang ₱2.00 kada kilo ang presyo ng gulay kapag naibagsak na ito sa mga pamilihan.

Advertisement

Bilang tugon, tiniyak ng DA na ipatutupad ang fuel subsidy para sa mga truckers upang matiyak ang tuloy-tuloy na delivery ng mga produkto mula sa mga sakahan. Naglaan din ang ahensya ng karagdagang trucks, katuwang ang mga lokal na pamahalaan, upang mabawasan ang gastos sa transportasyon ng mga magsasaka.

Ayon kay Tiu Laurel Jr., magpapatuloy ang mga konsultasyon upang mapahusay pa ang mga hakbang ng pamahalaan at matiyak ang sapat na suplay ng gulay habang pinapangalagaan ang kapakanan ng mga magsasaka at transport operators.

Advertisement