Nakapasok na sa Strait of Hormuz ang ilang barkong Pilipino matapos ang kasunduan ng Pilipinas at Iran, habang nananatiling stranded ang libu-libong Filipino seafarers sa gitna ng patuloy na krisis sa rehiyon.
Kinumpirma ni Energy Secretary Sharon Garin na pinayagan nang makadaan ang ilang Philippine-flagged vessels, subalit hindi pa ito nagdadala ng langis kundi mga produktong petrochemical, kasunod ng pansamantalang pagluwag sa mahigpit na kontrol sa nasabing rutang pandagat.
Binigyang-diin din ni Garin ang kahalagahan ng malinaw na clearance hindi lamang para sa mga barko kundi pati sa mga kargamento at kaligtasan ng mga tripulante, lalo na sa gitna ng umiiral na tensyon sa rehiyon.
Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang daluyan ng kalakalan sa mundo, kung saan dumadaan ang malaking bahagi ng suplay ng langis at iba pang mahahalagang produkto bago sumiklab ang kasalukuyang krisis.
Matatandaang isinara ito ng Iran kasunod ng mga pag-atake ng Estados Unidos at Israel, na nagdulot ng pagkaantala sa biyahe ng mga barko at panganib sa mga manggagawa sa dagat.
Sa kabila ng bahagyang paggalaw ng ilang barko, nananatiling stranded ang libu-libong Filipino seafarers sa Persian Gulf at sa Strait of Hormuz, kabilang ang mga hindi pa nakakaalis mula sa kanilang mga sasakyang pandagat.
Samantala, tiniyak ng Department of Migrant Workers na patuloy ang kanilang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya upang matulungan ang mga apektadong seafarers at matiyak ang kanilang kaligtasan sa gitna ng lumalalang sitwasyon.














