Nagpahayag ng pakikiramay ang Embahada ng Israel sa Maynila sa pamilya ni Lucille Jane Gershovich, 29, isang Filipina na nasawi sa missile attack sa Haifa kasama ang kanyang Israeli husband at mga biyenan.
Ayon sa embahada, nasawi si Lucille kasama sina Dmitry Gershovich at ang kanyang mga biyenan na sina Vladimir Gershovich at Lena Ostrovsky. Tinukoy ng embahada ang insidente bilang paalala ng patuloy na pag-target ng Iranian regime sa mga sibilyan.
“Israel stands in profound solidarity with the bereaved family and the Filipino community, and shares in the grief over the loss of a Filipino life,” ani embahada.
Inihayag naman ng Department of Foreign Affairs na inaayos ng Pilipinas ang pinakamaagang posibleng repatriation ng labi ni Lucille sa kabila ng kasalukuyang travel situation sa rehiyon. Siya ang ikalawang Filipino national na nasawi sa missile attacks sa Israel; naunang namatay si Mary Ann de Vera noong Pebrero 28 matapos tamaan ng shrapnel sa Tel Aviv.














