Hinimok ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president Archbishop Gilbert Garcera ang mga lider ng simbahan na magsagawa ng prayer vigil sa Sabado, Abril 11, bilang tugon sa panawagan ni Pope Leo XIV na ipanalangin ang kapayapaan sa buong mundo.
Sa panayam, sinabi ni Garcera na layunin ng sama-samang panalangin, kabilang ang Santo Rosaryo, Misa para sa Kapayapaan, at Eucharistic Adoration, na palakasin ang pagkakaisa at diyalogo, at itaguyod ang hindi paggamit ng karahasan sa gitna ng mga sigalot sa mundo, partikular sa Gitnang Silangan.
Binanggit din ng Arsobispo na ang hakbang ay pagpapakita ng pakikiisa sa Santo Papa at pananalig na mananaig ang kapayapaan sa buong mundo, na nagmumula kay Kristo.
Ayon sa CBCP, ang prayer vigil ay bahagi ng mas malawak na panawagan para sa mapayapang resolusyon sa mga tensyon sa rehiyon, kabilang ang babala ni US President Donald Trump kaugnay ng Strait of Hormuz.














