Inihayag ni US Pres. Donald Trump na posibleng mabuksan “sa lalong madaling panahon” ang Strait of Hormuz, bagamat aminado siyang hindi ito magiging madaling hakbang.
Sa panayam sa mga mamamahayag noong Biyernes, sinabi ni Trump na ginagawa na ng Estados Unidos ang hakbang upang muling mabuksan ang mahalagang rutang pandagat na kritikal sa pandaigdigang suplay ng langis.
Dagdag pa niya, may ilang bansa na umano ang nag-alok ng tulong upang masiguro ang pagbubukas ng strait, ngunit hindi niya tinukoy kung alin sa mga ito ang makikibahagi.
Ayon sa ulat, nananatiling sarado ang Strait of Hormuz matapos itong harangin ng Iran kasunod ng sumiklab na digmaan, na nagdulot ng matinding pagkaantala sa global energy supply.
Tinatayang nasa 20 porsyento ng pandaigdigang suplay ng langis at liquefied natural gas ang dumadaan sa naturang ruta, kaya’t malaki ang epekto nito sa presyo ng enerhiya sa buong mundo.
Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya si Trump sa kakulangan ng suporta mula sa mga kaalyado sa NATO kaugnay ng seguridad sa lugar.
Samantala, patuloy ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos ang serye ng pag-atake ng US at Israel sa Iran, na sinagot naman ng Tehran ng mga opensiba laban sa Israel at mga base militar ng US sa rehiyon.
Sa kabila nito, inanunsyo kamakailan ni Trump ang isang marupok na tigil-putukan sa Iran, bagamat nananatiling suspendido ang daloy ng mga barko sa Strait of Hormuz.













