Posibleng muling ipagpatuloy ng Estados Unidos at Iran ang usapang pangkapayapaan sa Pakistan sa loob ng susunod na dalawang araw, ayon kay US President Donald Trump, sa kabila ng umiiral na blockade ng Amerika sa mga Iranian port.

Sinabi ni Trump na may posibilidad na maganap ang panibagong negosasyon matapos mabigo ang nakaraang pag-uusap noong weekend, na nagbunsod sa Washington na magpatupad ng blockade laban sa Iran.

Kinumpirma rin ng mga opisyal mula sa Gulf, Pakistan, at Iran na maaaring bumalik sa Pakistan ang mga negotiating team ngayong linggo, bagama’t wala pang tiyak na petsa para dito.

Sa gitna ng tensyon, nakatulong ang posibilidad ng pagpapatuloy ng diplomasya upang bahagyang bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Advertisement

Gayunpaman, nananatiling komplikado ang usapin dahil sa mga pangunahing isyu tulad ng access sa Strait of Hormuz, nuclear program ng Iran, at mga internasyonal na parusa laban sa Tehran.

Matatandaang ipinatupad ng Estados Unidos ang blockade sa mga Iranian port, na sinuportahan ng libu-libong sundalo, mga barkong pandigma, at eroplano, bilang tugon sa pagsasara ng Iran sa Strait of Hormuz sa karamihan ng mga sasakyang pandagat.

Sa kabila nito, patuloy ang banta ng Iran na gaganti laban sa mga sasakyang pandagat at karatig-bansa sa Gulf, na lalong nagpapataas ng tensyon sa rehiyon.

Samantala, binigyang-diin ng US na nais nitong matiyak na hindi makagagawa ng nuclear weapons ang Iran, kabilang ang panukalang suspensyon ng nuclear activities, na hindi naman tinanggap ng Tehran.

Habang nagpapatuloy ang hidwaan, nagbabala ang mga pandaigdigang institusyon na maaaring maapektuhan ang suplay ng enerhiya at ekonomiya ng mundo kung lalala pa ang sigalot.

Advertisement