Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahigit 65,000 guro at school heads ang na-promote sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System mula Agosto 2025 hanggang Abril 2026.
Ginawa ni Marcos ang pahayag sa isinagawang mass oath-taking ceremony ng mga bagong na-promote na guro at punong-guro sa Tacloban City sa Tacloban City Convention Center.
Ayon sa Pangulo, layunin ng ECP system na bigyan ng malinaw na career pathways ang mga guro sa pamamagitan ng dalawang track: classroom teaching at school administration.
Sa ilalim ng programa, nilikha ang mga bagong posisyon tulad ng Teacher IV hanggang Teacher VII, Master Teacher V hanggang VI, at School Principal V upang mapalawak ang oportunidad sa promosyon at pag-unlad ng karera ng mga guro.
“Mula noong August 2025 hanggang ngayong Abril, more than 65,000 teachers at school heads ang ating na-promote na,” ani Marcos.
Binigyang-diin ng Pangulo na makatutulong ang mga repormang ito upang mapataas ang morale ng mga guro at mahikayat silang manatili sa bansa, kasabay ng pagpapalakas ng education system sa pangmatagalan.
Dagdag pa niya, titiyakin din ng programa na mananatili sa mga paaralan ang karanasan at talento ng mga guro sa pamamagitan ng mas maayos na oportunidad at kompensasyon.
Bukod sa promosyon, ipinatupad din ng pamahalaan ang iba pang hakbang para sa kapakanan ng mga guro, kabilang ang paglikha ng libu-libong bagong teaching positions, pagtatatag ng non-teaching roles upang mabawasan ang administrative workload, at ang pagbibigay ng ₱10,000 teaching supply allowance para sa school year 2025–2026.
Nasaksihan din ni Marcos ang panunumpa ng 2,121 bagong na-promote na guro at school heads mula sa Region VIII, kung saan 1,679 ang nasa ilalim ng ECP system at 442 naman ang mula sa non-ECP track.














