Inaasahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makatutulong ang naging pakikipag-usap niya kay US President Donald Trump upang mapababa ang presyo ng pagkain at enerhiya sa Pilipinas.
Layunin ng hakbang na magkaroon ang bansa ng karagdagang mapagkukunan ng mga pangunahing produkto sa mas abot-kayang halaga.
Ayon kay Marcos, binuksan ng Estados Unidos ang merkado nito para sa mga produktong agrikultura at enerhiya na maaaring pagkunan ng Pilipinas.
Kabilang sa mga produktong tinalakay ang soybeans, trigo at bigas, gayundin ang posibilidad na makakuha ng mas murang suplay ng enerhiya.
Paliwanag ng Pangulo, malaki ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa halaga ng mga pangunahing bilihin. Dahil dito, mahalagang makahanap ng mas abot-kayang mapagkukunan ng enerhiya upang makatulong na mapagaan ang gastusin ng mga mamamayan.
Samantala, patuloy na naghahanap ang pamahalaan ng karagdagang mga bansang maaaring maging katuwang sa pagtiyak ng sapat at mas murang suplay ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.
Sinimulan na rin ng mga kalihim ng Gabinete ang pagtalakay sa mga detalye ng napag-usapang kasunduan upang maisakatuparan ang mga planong ito.














