Tinanggihan ng U.S. House of Representatives ang isang resolusyong pinangungunahan ng Democrats na layong limitahan ang kapangyarihan ni US Pres. Donald Trump na magsagawa ng military action laban sa Iran nang walang pahintulot ng Kongreso.

Nabigo ang war powers resolution sa botong 214 kontra 213, kung saan karamihan sa mga Republican ay tumutol sa panukala, habang halos lahat ng Democrats ay sumuporta rito. Tanging si Representative Thomas Massie ng Kentucky ang bumoto pabor sa resolusyon mula sa panig ng Republican, habang si Warren Davidson ng Ohio ay nag-abstain.

Ang hakbang ay kasunod ng pagkabigo rin ng kaparehong panukala sa Senado isang araw bago ang botohan sa Kamara.

Ipinapakita ng resulta ang patuloy na suporta ng mga Republican kay Trump kaugnay ng kanyang kampanyang militar laban sa Iran, mahigit anim na linggo matapos simulan ng Estados Unidos at Israel ang mga airstrike noong Pebrero 28.

Advertisement

Giit ng mga Democrat, dapat humingi ng pahintulot sa Kongreso ang pangulo bago magsagawa ng military action, alinsunod sa Konstitusyon ng U.S. na nagbibigay sa Kongreso ng kapangyarihang magdeklara ng digmaan. Nagbabala rin sila na maaaring mauwi sa mas matagal na labanan ang sitwasyon kung walang malinaw na estratehiya.

Samantala, ipinagtanggol naman ng White House at ng karamihan sa mga Republican ang hakbang ni Trump, iginiit na legal ito at bahagi ng kanyang kapangyarihan bilang commander-in-chief upang protektahan ang bansa.

Ayon kay Representative Gregory Meeks ng New York, nasa kritikal na yugto ang sitwasyon at dapat agad kumilos ang Kongreso upang maiwasan ang mas malawak na sigalot. Sa kabilang panig, sinabi naman ni Representative Brian Mast ng Florida na hindi makatwiran ang paglimita sa military operations lalo na sa gitna ng umiiral na tigil-putukan.

Matatandaang pumayag si Trump sa dalawang linggong ceasefire sa Iran noong Abril 7, habang patuloy ang tensyon sa rehiyon.

Advertisement