Ipinagtanggol ni House Committee on Public Accounts chairperson Terry Ridon ang notice of disallowance ng Commission on Audit sa P73 milyong confidential funds ng Office of the Vice President noong 2022, at iginiit na ito ay dumaan sa tamang proseso at hindi politically motivated.
Ayon kay Ridon, miyembro rin ng House Committee on Justice, ang naturang findings ay resulta ng tatlong taong audit process na isinagawa ng COA, na may mandatong suriin ang paggamit ng pondo ng bayan.
Giit niya, kung ito ay may halong pulitika, hindi na sana umabot ng ilang taon ang proseso, at sa halip ay minadali lamang. Aniya, ito ay patunay na isinagawa ang due process at hindi harassment.
Noong Martes, iniulat sa House Committee on Justice na may notice of disallowance sa P73 milyong confidential funds na ginamit ng OVP mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022. Kabilang dito ang mahigit P69 milyong cash rewards at iba pang bayad sa mga informant na hindi umano sapat ang dokumentasyon bilang patunay ng matagumpay na operasyon.
Ayon sa COA, kinakailangan ng kumpletong records na magpapatunay ng information-gathering at surveillance activities kaugnay ng paggasta.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang Office of the Vice President, at sinabi nitong hindi pa nila natatanggap ang opisyal na kopya ng desisyon kaya’t wala pa silang komento sa isyu.
Giit pa ni Ridon, mahalaga ang naturang findings sa nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, ngunit nilinaw niyang hindi ito agad patunay ng pagkakasala.
Ayon sa kanya, ang impeachment ay hindi hatol ng guilty o not guilty kundi mekanismo upang matukoy kung may sapat na batayan para dalhin ang kaso sa Senado para sa pormal na paglilitis.














