Mariing itinanggi ni dating House Speaker Martin Romualdez ang paratang na siya ang mastermind sa isang malawakang corruption scheme at iniutos ang agarang pagpapalabas ng kanyang sinumpaang salaysay upang patunayan ang kanyang pagiging transparent.

Binasag ni Romualdez ang kanyang pananahimik upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya. Ayon sa kanya, pinili muna niyang manahimik bilang paggalang sa legal na proseso at upang hindi na makadagdag sa kontrobersiya, ngunit inaabuso na umano ang kanyang katahimikan.

Iginiit ni Romualdez na mula pa sa simula ay naging kooperatibo siya sa imbestigasyon. Aniya, kusa siyang humarap sa mga awtoridad, hindi nagtago o tumakas, at boluntaryong nagsumite ng affidavit sa ICI kasama ang iba pang kinakailangang dokumento.

Upang ipakita ang kanyang transparency, iniutos niya ang agarang pagpapalabas ng kanyang affidavit sa publiko. Layunin umano nitong hayaan ang taumbayan na humusga kung sino ang nagsasabi ng totoo at kung sino ang nagiging biktima lamang ng pamumulitika.

Advertisement

Tinawag din ng dating Speaker na “most absurd accusation” ang alegasyong siya ang utak ng katiwalian, lalo na pagdating sa pondo ng bayan.

Ipinaliwanag din niya ang proseso ng pagbalangkas ng badyet, kung saan nagsisimula ang panukala sa Executive department bilang National Expenditure Program bago isumite sa Kongreso para sa deliberasyon.

Dagdag pa ni Romualdez, ang Kamara ay binubuo ng daan-daang miyembro at humigit-kumulang 85 komite, kaya’t aniya ay imposibleng makontrol ng isang Speaker ang bawat komite o madiktahan ang ibang sangay ng pamahalaan.

Advertisement